28, Sa Himpapawid
Paolo Tiausas
Ligaw na loro, hapon noong dumapo sa balikat ng tatay ko
sa Pasko ng Pagkabuhay—tila isang malatsambang talinghaga,
tila pagkapit ng dandelion sa balikat tuwing nasa siyudad
at nanliliit sa mga karaniwang bantayog ng sangkatauhan.
Alinlangan, kailan ang pag-uwi sa mga dapat nating uwian?
Sa ilalim ng mga dambuhalang ulap sa bunganga ng bulkan
may kawan ng ibong tumatalilis sa pagbabanta ng kamera.
Sa dalampasigan, sabik kahit ang alingawngaw ng hangin
na makapiling ang nakasanayang pintig ng pagbabanyaga.
Sa ikaapatnapung palapag, humuhuni ang ugong ng makina.
Ligaw na loro, handa akong ipagkanulo ang mga talinghaga
kung mabubuhay ka. Isang pag-antanda. Kung maaari sana.